Lukot at tila nangingitim na ang suot na polong puti ni Piryong. Manaka-naka'y hinahagod niya ito habang ang mga mata'y nakatuon sa pinagmumulan ng mga jeepney na nakaparada sa himpilan. Sukbit ang backpack sa likuran, bahagyang pinawisan na ito sa mga ilang minuto ring pagkakatayo sa tabi ng kalsada.
Si Piryong ay ulila na sa kaniyang ama, at ang kaniyang ina naman ay mayroon nang ibang pamilya. Pangatlo si Piryong sa anim na magkakapatid at bukod-tanging siya lang ang narito sa Luzon. Ang kanyang mga kapatid ay pawang sa Palawan nangakatira kasama ng kaniyang ina.
Mahirap mabuhay sa mundo, at ito ang palaging tumitimo sa kaniyang murang kaisipan kung kaya't minabuti niyang lisanin ang sariling pamilya at nagpasyang makipanirahan sa isang tiyahin sa kabisera ng Nueva Ecija.
May kataasan na ang sikat ng araw at tila nakadagdag pa ang init nito para lalong pawisan ang pobre sa kakahintay ng masasakyang jeep. Inibis nito ang dalang backpack at mula roo'y hinugot ang muntik kuwaderno.
"What the effing F! Ang bagal naman talaga ng mga jeep dito. Mahuhuli na 'ko." Ang bulong sa sarili ni Piryong habang ipinapaypay sa katawan ang munting kuwaderno sa pagasang maibsan nang kahit kaunti ang alinsangang nararamdaman.
Hindi nagtagal at may humintong jeep sa kanyang harapan. Mangilan-ngilan lang ang sakay. Dali-daling sumakay si Piryong at umupo sa hulihang bahagi ng sasakyan.
Likas na mapagmasid si Piryong kung kaya't hindi niya naiwasang sipatin ang mga sakay ng jeep. Ilang pulgada sa kaniyang kanan mula sa kinauupuan ay isang lalaki na nakasuot ng jacket na itim ang nakaupo na nakatanaw sa labas habang ang kanang siko ay nakausli sa bintana.
Sa bandang-dulo naman ng kanilang hanay ay nakaupo ang isang may katandaan ng lalaki. Kung titingnang mabuti, gula-gulanit ang suot nito at mukhang gusgusin. Mahaba kaysa normal ang namumuti nang buhok na bahagya na rin namang napapanot. Nakadungo ito at sa pagitan ng mga tuhod ay ipit ang kaliwang kamay bitbit ang isang supot ng pansit. Para sa mga may mapanghusgang mata, mukha itong mabaho. Ito marahil ang dahilan kung kaya't ang agwat ng pwesto ng mamang naka-jacket ay malayo sa kaniya.
Sa kabilang bahagi naman ng upuan ay may tatlong pasahero. Sa kaniyang tapat ay isang matabang babae na kalong ang isang bayong na puno ng gulay. Ang tangkay ng upo at ilang tali ng sitaw ay bahagyang nakausli sa bayong. Nakaakap rito ang kanang kamay ng babae habang ang kaliwa nito ay nakahawak sa sabitan ng jeep.
Sinipat ni Piryong ang mukha nito. Ang mga mata ng babae ay tila naningkit na sa katabaan ng mukha at kung iisipin, permanente na itong anyong-simangot ng dahil sa umbok ng taba na naipon sa kaniyang mga nguso. Manaka-naka ay kumikislot ang mga mata nito patungo sa kinaroroonan ni Piryong. Marahil ay nararamdaman nito ang mala-NBI na panunuri ni Piryong.
Isang dipa mula sa Dabianang ito ay isang estudyanteng babae ang nakaupo. Payat at mas bata ito sa kaniya. Labing-tatlong taon na si Piryong. Ang batang babae marahil ay nasa Labing-Isa. Binasa ni Piryong ang badge sa uniporme nito, "Wesleyan University-Philippines."
"Aba! At pareho pa kami ng eskuwelahang pinapasukan!" Ang nasa isip niya.
High school na si Piryong. Ang gusali ng mataas na paaralan ay katapat lang ng mababang paaralan na posibleng pinapasukan ng batang ito. Gusto niya sanang batiin ang batang babae subalit abala ito sa hawak na tablet at base sa tunog na naririnig ni Piryong ay Clash of Clans ang nilalaro nito.
Ang huling pasahero naman na nakaupo matapos ang batang babae ay isang binatilyo na nakasuot ng ternong puti. Crew cut ang yari ng gupit nito at may bara ito sa magkabilang balikat. Binilang niya ang gintong guhit sa mga bara nito, dalawa. Ibig sabihin, estudyante ito bilang seaman at nasa ikalawang taon na.
Makintab ang itim na sapatos nito at ang pang-itaas na uniporme ay nakaparagan. Matipuno ang pangangatawan na tila ba nabatak sa bukid. "Bukid..." ito'y suhestiyon lang sa isip ni Piryong dahil sa kulay ng kutis ng binatilyo. Malalim ang pagka-kayumanggi nito na isang palatandaan ng matagal na pagkakabilad sa araw. O maari rin namang likas na niya itong kulay?
May limang minuto na rin ang lumipas mula ng sumakay si Piryong. Sa puntong iyon, ang jeep na kanilang sinasakyan ay binabagtas na ang kahabaan ng sabana ng Palayan. Sa mga lugar na ito, wala gaanong bahayan at pawang matataas na talahib at manaka-nakang puno ng kasuy ang makikita sa senarya.
Mabagal lamang ang takbo ng jeep, siguro ay dahil nagbabakasali ang driver na makapulot pa ng pasahero sa daan. Subalit napansin ni Piryong na tila mas bumagal pa ang jeep at ilang sagli't pa'y huminto na ito.
Kaniya-kaniyang sulyap sa bandang harap ng jeep ang mga pasahero. Sinisipat marahil kung ano ang meron sa harapan o kung may pasahero ba na pumapara. Wala.
Mga ilang segundo rin ang nakalipas bago nagsalita ang lalaking naka-jacket ng itim sa tabi ni Piryong. "Ba't tayo huminto?"
Tiningala ng driver ang pasahero sa rear mirror. "Tingnan niyo po sa may dulo. May motorsiklo po na nakahinto."
Walang katabi sa harapan ang driver kung kaya't malayang makikita sa harapan ng jeep ang nasa dulo pa roon. Lahat ay payukong sumulyap sa harapan maliban sa batang babae na abala pa rin sa tablet at sa matandang lalaki na nanatiling nakayuko.
"Aba oo nga." Ang sambit ng matabang babae sa harap niya.
Ang motorsiklong tinutukoy ng driver ay kulay itim at sa malayuang-tanaw ay tila ba isang Badja. Nakabalagbag ito sa gitna ng kalsada at nakatayo sa sariling stand. Wala ang mga pasahero nito. May limandaang metro rin ang layo nito sa kinaroroonan nila.
"Mukhang delikado po. Baka may riding in-tandem na nagtatago malapit doon." Ang wika ng driver na tila kinakabahan.
"Ano po, tutuloy ba tayo o imamaneobra ko na lang pabalik 'tong sasakyan?" dugtong pa niya.
"Naku pa'no ba?" Ang tila ninenerbiyos na sagot ng matabang babae.
Sa puntong ito ay naagaw na ng munting komosyon ang atensyon ng batang babae. Tumanaw na rin ito sa kung saan lahat ay nakatanaw at agad ding ibinalik ang tingin sa mga mata ng bawa't pasahero na tila ba humihingi ng kapaliwanagan kung ano ang nangyayari.
-oOo-
(IKALAWANG YUGTO)
Mahina subalit ramdam ng mga pasahero ang ugong ng makina ng sasakyan. Nang dahil sa kawalan ng hanging umiihip, nagsimula ng makaramdam ng init ang mga sakay. Nagsisipakiramdaman, wala munang nagsasalita.
Binagsag ng mamang driver ang katahimikan, "Ano po, ikot ko na ba?" sabay punas sa mukha ng Good Morning face towel na nakabalatay sa kanyang balikat.
"Teka lang po." Sagot ng matabang babae. "Kung iikot po kayo ay bababa na lang ako."
Napalingon lahat sa kanyang direksyon.
"Baka po delikado ate. "suhestiyon ng estudyanteng seaman.
"Susmarya! Taga-rito ako, ba't naman ako matatakot." Kita ang pag-alog ng mga taba sa baba nito tuwing magsasalita.
Akmang bababa na ang babae ng umalog ng bahagya ang jeep. Matapos nito'y namatay ang makina ng sasakyan. Natigil sa pagbaba ang babae, muling naupo. Ang kaninang bahagyang katahimikan ay mas lalo pang naging tahimik.
Lahat ng mata ay nakapako ngayon sa mamang driver. Sabi nga sa wikang Ingles, all eyes on him. Sinubukang paandarin uli ang sasakyan.
Isang beses... ikalawang beses...
Sa pangatlong pagkakataon ay sumuko na ang driver. Napaghinuha niya na tila ayaw talagang umandar ng jeep.
"A-ano ho nangyari?" ang pilit at mahinang sambitla ng matandang lalaki na datapuwa't nagsalita ay nanatili pa ring nakayuko.
"Hinangin po yata ang makina. Teka't silipin ko saglit." Matapos sabihin ito'y umibis ng sasakyan ang lalaki at binuksan ang hood. Bumungad sa kaniya ang makapal na usok. Napaatras siya sa naramdamang init na dulot ng singaw nito.
Ang mamang naka-jacket ng itim nama'y bumaba rin at marahang lumapit sa mamang driver na kakamot-kamot ng ulo.
"Ano brod, sira ba?" tanong ng lalake.
"Natuyuan po ng tubig ang radiator. Nag-overheat kaya namatay ang makina." Paliwanag ng driver.
"E may tubig ka ba diyan?" tanong muli ng lalake.
"Meron po, pero hindi pa pwedeng lagyan hangga't di lumalamig ng bahagya." Pagkasabi'y tinalikuran nito ang lalaki at bumalik sa upuan niya.
Tumingala sa langit ang naiwang lalake. Ah, mataas na ang araw. Sa tantiya niya ay mag-a-alas nuwebe na ng umaga.
"Nasa'n na siya?!"
Yaon ay ang sigaw sa loob ng sasakyan na nagpagulantang sa kaniya. Bahagyang gumiya pakanan ang lalake upang masilip ang komosyon sa loob.
"Saan siya napunta?" ulit ng tinig sa loob ng sasakyan. Ngayoy kita na niya na sa matabang babae nanggaling ang malakas na tanong.
Hangos siyang bumalik sa bandang likurang pinto ng jeep. "Bakit po ba?"
"'Yung batang babae po rito. Walang nakapansin na nakaalis." sagot ni Piryong.
"Nakita mo ba'ng bumaba?"
"Hindi po e." muling sagot nito.
"Pinagluluko mo ba 'ko?" bahagyang iritado nang tanong ng lalake. "Paanong mawawala e ang dami niyo rito?"
"Kuya, kaya nga. Ako man e nagtataka. Wala namang nakapansin na dumaan siya sa harap ko." Ang medyo ngatal na sabi ng babaeng mataba. "Ako nga po 'yung bababa di ba?"
Muli ay namayani ang katahimikan. Wala ni isa mang kumibo. Pawang nagsisipakiramdaman.
Pumasok sa loob ng jeep ang lalaking naka-jacket at naupo sa dating pwesto.
"Ikaw brad, napansin mo ba 'yung bata rito?" sabay tingin sa driver.
Kung kanina'y sa rear window nakikipag-usap ang mamang driver, ngayo'y nilingon na siya nito. "Hindi rin po. Kakaupo ko nga lang din mula kaninang silipin ko ang maki..."
"Tug!"
Bago pa niya natapos ang sasabihi'y nagulantang sila ng mahinang kalabog. Halos magkakasabay nilang nilingon ang pinanggalingan ng tunog. Ang supot ng pansit na kaninang hawak ng matanda ay nasa sahig na!
Pero wala na ang matandang lalaki.
Nanlaki ang mata ng matabang babae at nahintakutan ito. Napaatras sa kinauupuan.
"Hahhh, hahhh!" tila ba humihingal ito habang sapo ang kaniyang dibdib.
Kahit ang mamang naka-jacket ay napamaang din. Maluwang sa pagkakanganga ang bibig. Nilingon nito si Piryong nang hindi kumikibo. Ang mga mata'y namimilog at parang naghahanap ng kasagutan.
Manaka-nakang pag-iling lang ang naiganti ni Piryong. Siya man ay hindi nakapagsalita. Maang sa katotohanang nangyayari sa kanila ngayon.
Ang estudyanteng seaman naman ang nagsalita. "Kuya." Tawag nito sa driver.
"Hindi po kaya, namamatanda tayo?"
"Bari-bari apo!" Ang biglang sagot ng driver. Sabay antanda sa sarili. Nag-krus ng dalawang beses.
"Ha ha ha! Joke lang po." Sabi ng estudyanteng seaman.
"Hoy! Tatawa-tawa ka pa diyan. Nagkakalituhan na nga rito." Pasigaw na salita ng mamang naka-jacket.
"E si manong driver po kasi, ang tanda na'y naniniwala pa sa nuno." Paliwanag ng estudyanteng seaman.
"Paano mo ipapaliwanag 'yung pagkawala ng bata at ng matanda?" sabat na tanong ni Piryong.
Lingon silang lahat kay Piryong. "Di po ba?"
"Aahhhh!" sigaw muli ng matabang babae na ngayo'y hawak ang sariling magkabilang pisngi.
Niyugyog ito sa braso ng lalakeng naka-jacket. "Bakit po ba?"
Itinuro nito ang kinaroroonan ng driver. "K-kitang-kita ko po. N-naglahong parang bula 'yung driver! Diyos ko po!" kahit nangangatal ito ay pinilit pa ring magsalita.
-oOo-
(ANG IKATLONG YUGTO)
Napaatras sa kanyang kinauupuan ang estudyanteng seaman. Hindi man niya aminin, binalot na rin ng takot ang buo niyang pagkatao. Kani-kanina lang ay halos katabi lang niya ang mamang driver at tinawanan pa niya pero katulad ng dalawang nauna, bigla na lang din itong nawala ng walang pasubali.
"Kuya ano po ba 'to'ng nangyayaring ito? Huhu." Maiyak-iyak na ang matabang babae.
"Tumahimik ka muna." saway ng lalaking naka-jacket.
Tiningnan nito ang relong-pambisig, alas nuwebe singko na. Limang minuto pa lang ang nakalilipas mula ng makausap niya ito kanina sa labas pero ngayo'y wala na ang mamang driver. Pakiramdam niya ay parang kay haba na ng nagdaang oras at tila ba kay rami nang naganap.
Pagdaka'y nagsalita, "Sino sa inyong dalawa ang marunong magmaneho?" ang tinutukoy nito ay si Piryong at ang estudyanteng seaman.
Umiling lang si Piryong.
"Ako po. Pero motor lang." mahinahong sagot ng estudyanteng seaman.
"Mukhang malabo na mapatakbo pa natin 'tong jeep na 'to. Isa pa, hindi ako marunong magmaneho." Pagkatapos sabihi'y sumandal ang lalaking naka-jacket.
"Kung ano man ang nangyayaring ito, hindi ko maintindihan. Kung hindi tayo namamaligno, ano 'to?" wika ng lalake kasunod ng malalim na buntung-hininga.
"Hindi po kaya kinuha sila ng mga alien?" ang inosenteng tanong ng estudyanteng seaman.
"Ikaw, kanina ka pa ha? Puro kaimposiblehan 'yang pinagsasasabi mo." muli ay may himig na pagkairitang sabi ng lalakeng naka-jacket.
Imposible? Hindi ba't kanina pa kami nakakakita ng mga imposible? Tanging sa isip lang ito naitanong ni Piryong.
"Nakikita mo ba 'yung motor na 'yun?" wika ng lalake sabay turo sa nakabalagbag na motorsiklo sa may di kalayuan. "Ang mabuti pa'y paandarin mo at iaangkas mo ko. Bumalik tayo sa bayan at i-report natin sa pulis ang nangyari." Dagdag pa nito.
"Malamang, 'yung sakay ng motor na 'yan ay naglaho na rin katulad ng mga pasahero kanina." Muling turan nito.
"Sige po."
Dali-daling bumaba ang estudyanteng seaman. Sumunod ang lalakeng naka-jacket. Pero bago nito tuluyang iniwan ang jeep ay nagbilin ito kay Piryong.
"Samahan mo muna si ateng dito sa jeep. Ipapapaalam lang namin sa pulis ang nangyari rito. 'Wag mo siyang iiwan dito ha?"
"Opo kuya." Ang sagot ni Piryong.
Lumipat ng upuan si Piryong at tumabi sa matabang babae. Bahagya nitong idinikit ang sarili sa babae. Marahil ay sa kaba na namamayani sa kaniya.
"Kuya bumalik kayo agad ha?" pahabol ng babae.
Hindi na nakasagot pa ang lalake. Maingat ngunit may kabilisan nilang binagtas ang daan patungo sa kinaroroonan ng motorsiklo.
Nasa unahan ang lalakeng naka-jacket at kasunod nito sa likuran ang estudyanteng seaman.
"Magpayo ba apelyido mo?" Tanong nito sa kasunod.
"Opo. Pa'no niyo po nalaman?"
"Nasa name plate mo. Nakasulat."
Oo nga naman. Tanga lang. Sa isip-isip ng estudyante.
"E kayo po kuya?" ganting tanong nito sa lalakeng naka-jacket.
"Bernie."
Ilang saglit pa'y narating na nila ang kalagitnaan ng pagitan mula sa jeep hanggang sa motor. Kung pagmamasdan ang paligid, tahimik at mapayapa. Tanging ang pagsaliw sa hangin ng nangagtataasang talahib ang makaagaw ng atensyon ng sinomang daraan.
"Gaano ka na katagal nagmomotor?" Tanong ng lalaki sa estudyante.
... tahimik ....
Walang sagot.
Bagaman at nagtataka'y inulit nito ang tanong, "Matagal ka na bang nagmomotor? May lisensya ka ba?"
Wala pa ring sagot.
Bahagya siyang huminto para lingunin ang kasunod. Gimbal siya sa natuklasan sapagka't nag-iisa na lang pala siyang naglalakad.
"Anak ng?" Bulalas nito.
Tumayo ang mga balahibo niya sa mga braso, pati na rin sa kaniyang batok. Luminga-linga muna siya sa paligid, sinigurong hindi lang nagtatago ang estudyanteng seaman. Siya man ay nahintakutan na rin kung kaya't mabilis siyang tumakbo pabalik sa jeep.
"Nasaan na po yung estudyanteng seaman?" tanong ni Piryong ng makita ang lalakeng naka-jacket na nakasandal sa estribo ng jeep.
Pilit nitong hinahabol ang hininga.
"N-nawala na rin." Ang pautal na sabi nito habang humahangos.
"Pasok po muna kayo rito." Ang alok ni Piryong.
-oOo-
(IKAAPAT NA YUGTO)
Isang oras na ang nakalipas mula ng maglaho ang estudyanteng seaman. Tahimik ang tatlong natira sa loob ng jeep si Piryong, ang matabang babae at ang lalaking naka-jacket na ang pangalan ay Bernie.
Bakas sa kanilang mukha ang pag-aalala. Pawang mga natatakot lumabas ng jeep. Kung huhulaan ang kanilang mga iniisip, marahil ay namamayani ang pag-aalala na anomang sandali mula ngayon ay isa muli sa kanila ang mawawala. Nakaragdag pa sa masidhing pag-iisip ang katotohanang hindi nila alam kung bakit nangawala ang mga kasamahan at kung saan nangagsiparoon.
Bandang alas-diyes na kung tatantiyahin ang oras. Maalingsangan na ang lagay sa gayong oras. Pakunswelo na lang na sa bandang sabana nahinto ang jeep dahil madalang tumigil sa pag-ihip ang hangin doon. Hindi man rumaragasa ang ihip ng hangin ay sapat na ang lakas niyon upang masawata ang namumuong init sa loob ng sasakyan.
Tahimik na nakaupo sa gawing dulo ng jeep si Piryong, ang mga paa niya'y nakasampa sa upuan na tila ba natatakot na baka may kumagat.
Si mang Bernie naman ay may dinukot sa bulsa... isang bukas na kaha ng Winston. Humugot ng isa at isinumpak sa bibig saka muling dumukot sa kanang bulsa ng jacket. Kinapa-kapa ang may kalalimang bulsa bago natuklasan ang hinahanap.
Lighter.
Sinindihan ang sigarilyo at humitit ng malalim. May ilang sandali ring pinagtagal ang nahigop na usok bago ibinuga ng marahan na lumikha ng munting ulap. Muling humitit bago tinapunan ng sulyap ang babaeng mataba na tila ba isang batang nagmamaktol at humihikbi sa isang tabi.
Hindi ito pinansin ni Bernie at bagkus ay itinuloy ang paghitit-buga ng sigarilyo.
Nainip marahil, idinungaw ang ulo sa labas ng jeep. Tinanaw ang magkabilang-dulo ng kalsada. Nang tila ba nakumbinsi na ang sarili'y muling bumalik sa pagkakaupo.
"Napansin niyo ba? Mukhang kanina pa walang sasakyan na nagdaraan." Sabi nito.
Mula sa pagkakadungo sa ibabaw ng tuhod ay bahagyang iniangat ni Piryong ang sariling ulo. Sapat lang upang masilip ng kanyang mga mata ang mukha ng nagsasalita. Kagya't ding yumuko ito.
Nawala na rin ang lahat ng tao siguro? Sa isip niya.
"N-nagaganap na!" ang sabi ng matabang babae. Sa paraan ng kaniyang pagkasabi, tila ba may bikig ito sa lalamunan at bakas ang panginginig.
"Naganap ang alin?" Ang parehong tanong ng dalawang lalaki. Mula kay Bernie, na sinalita ng bibig at kay Piryong, na mula sa isip.
"... ang Rapture." Dugtong pa ng babae. Nanlaki ang mga mata habang binibigkas ang huling salita.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" muling tanong ni Bernie.
"Hindi po ako sigurado..."
"... pero narinig ko na po ito sa isang pari dati." Ang nangangatal na sagot ng babaeng mataba.
Kung iisipin natin marahil kung paano maihahambing ang timbre ng kaniyang boses, para itong isang babae na nabilaukan ng malaking piraso ng pandesal at humihingi ng isang basong tubig.
Muling nagsalita ang babae, "A-ang sabi raw po sa Biblia... sa Lucas 17:34... Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa..."
"... at ang isa'y iiwan. Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan." Ang huling talata ay magkasabay na nabigkas ni Piryong at ng babaeng mataba. Matapos nito'y nagkatinginan sila.
"Nabasa ko na rin po 'yan sa Biblia. Bago raw po dumating ang Panginoong Jesus ay kukunin muna ang lahat ng mabuti sa mundo at maiiwan ang mga masama." Sabi ni Piryong.
"Parang ganito ang nangyayari ngayon." Dugtong pa ng babaeng mataba.
Halos filter na lang ang natitira sa sigarilyong hawak ni Bernie. Humitit muli ito ng huling beses bago pinitik palabas ng sasakyan ang natira sa sigarilyo.
Bumuga muna bago nagsalita, ang ibang usok ay lumabas sa kaniyang ilong. "Kung totoo man 'yan, ibig sabihin niyan e makasalanan tayong tatlo." Hindi matiyak ng mga kaharap kung patanong ba ang tinuran nito.
"Panginoon, maawa po kayo. Huhu." Ang mahinang usal ng babaeng mataba habang manaka-nakang humihikbi.
Sa isip ni Piryong, maaring tama si mang Bernie. Kung rapture man ang nangyayari, ibig sabihin nga marahil ay makasalanan sila dahil bukod-tangi lamang na silang tatlo ang hindi naglaho. Pero bakit hindi man lang sila nakarinig ng mga babala?
Babala, babala... ah tama! May babala na!
Nagsalita ito, "Naalala niyo po ba noong mga nakaraang buwan? May narinig po tayong mahiwagang tunog galing sa kalangitan? 'Yun pong parang malakas na tunog ng trumpeta."
Napatingin sa kaniya ang dalawa. Muling nagsalita si Piryong, "Hindi po ako sigurado pero baka po 'yun din ang tinutukoy na tunog ng pakakak sa Biblia."
Habang sinasabi niya ito ay nagulantang ang dalawa sa nakikita sa kaniya.
"Bata, y-yung binti mo, naglalaho!" tila ba gulat na naibulalas ni mang Bernie. Ang matabang babae nama'y hindi na nakapagsalita bagkus ay tinakpan na lang ng kamay ang sariling bibig.
Napayuko si Piryong sa kanyang binti na unti-unti nang naglalaho pataas. Muli ay tiningala niya ang dalawa; bakas sa kaniyang mukha ang takot at pangamba. Sa oras na ito ay hanggang dibdib na ang naglaho sa kaniya.
Ibinuka niya ang kaniyang bibig para sumigaw... ngunit walang lumabas na boses dito. Sinubukan niya uling sumigaw, ngunit wala rin hanggang sa tuluyan ng maglaho ang kaniyang mukha.
Aaahhhhhhhh! Ayoko pa mamatay! Ahhhhhh! Ang sigaw ni Piryong sa kaniyang isipan.
Para kay Piryong, dumilim ang paligid. Wala siyang maaninag. Inulit niya muli ang pagsigaw sa kaniyang isip.
Ahhhhhhhh! Saklolooooo!
....
Katahimikan ang sumunod.
...
Muli ay pinilit niyang ibuka ang bibig upang sumigaw, nabuhayan siya ng loob sapagkat naramdaman niya na tila ba nanumbalik ang boses niya. "S-sak-lo-lo. Unngggh." Ang mahinang ungol nito.
-oOo-
(IKALIMANG YUGTO)
Pakiwari niya ay nanumbalik na ang kaniyang katawan. Matapos ang nakabibinging katahimikan, tila ba nakakarinig na siya ng mga awditibong salita.
"May isa pa rito!" sigaw na tila boses ng lalake.
Nanatiling madlim ang kaniyang paningin. O dahil nakapikit lang siya? Hindi niya sigurado.
Unti-unting nadaragdagan ang mga tunog na kaniyang naririnig. Nadagdagan ang kanina'y boses lang ng lalake.
"Kapitan, meron pa ho rito!" sigaw uli ng boses ng lalaki.
Sa puntong iyon, napagtanto ni Piryong na nakapikit ang kaniyang mga mata. Sinubukan niya itong idilat. Unti-unti... subali't tumambad sa kaniya ang nakasisilaw na liwanag.
Muling sinubukang dumilat... marahan sa simula hanggang sa tuluyan nang maimulat ang mga mata. May kalabuan ang kaniyang nakikita, pero aninaw niya ang paligid. Batid niya na nakahiga siya sa tila ba isang bukid dahil ramdam niya ang mga talim na dahon ng palay.
Unti-unting luminaw ang kaniyang paningin. Mula sa pagkakahiga ay kita niya ang dalawang lalake na nakayuko sa tabi niya at kinakausap siya. Ang isa nama'y panay ang tutok ng flashlight sa sa kaniyang mga mata. "Nakikita mo 'to?" sabay tanong sa kaniya habang nakaturo ang isang daliri.
"O-opo." Ang mahinang sagot niya.
Liminga siya sa kaliwa, nakita niya ang iba pang mga katawan na tila nakahandusay rin sa bukid. Ang iba'y duguan. Dumami na ang mga tao. May paroo't-parito. May isang may hawak ng radyo na animo may sinasabi rito. Sa di kalayuan ay tanaw niya ang isang kulay-puting van na may umiikot-ikot na ilaw sa tuktok. Panay din ang tunog ng sirena nito. May mga tao rin na nakapalibot sa kanila na tila ba mga nag-uusisa.
Sinubukan niyang itaas ang kanang kamay niya at nang magawa ay nakita niyang puro dugo ito.
"Relax ka lang iho. Huwag kang gagalaw." Ang payo ng lalaking nakapanikluhod sa tabi niya.
Pagkasabi nito'y naaninaw niya ang dalawang lalaking nakaputi na may bitbit na stretcher at papalapit sa kinaroroonan niya.
Pinakiramdaman ang sarili... tila ba binabawian muli siya ng lakas... nakaramdam ng matinding panghihina at unti-unting dumidilim ang paningin.
Kasunod nito'y muling binalot ng karimlan ang kanyang paligid.
At muling naghari ang katahimikan.
-oOo-
(ANG HULING YUGTO)
Tahimik na mag-isang nakaupo sa waiting shed si Piryong. Sa kaniyang kandungan ay ang backpack na puno ng kaniyang mga kuwaderno at libro. Mga tatlong metro lang ang layo nito sa kalsada. Nilinga-linga niya ang magkabilang dulo ng kalsada upang tingnan kung may paparating na sasakyan.
Isang taon na rin ang nakalipas matapos ang pangyayari. Wala siyang maalala sa nangyari dala marahil ng matinding pagkabagok ng kaniyang ulo.
Ayon naman sa duktor na tumingin sa kaniya, minor concussion lang ang tinamo niya. Ipinagpapasalamat niya iyon. Sabi pa ng duktor, swerte raw siya at 'yun lang ang tinamo niya. Wala raw nabuhay sa mga kasama niya sa jeep ng mga panahong iyon.
Dahil wala siyang maalala, ang kaniyang tiyahin ang nakapagkuwento ng detalye sa kaniya.
Umaga raw noon. Lulan siya ng jeep ng Palayan. Iilan lang daw silang sakay. Siya, si Emily na taga-karatig-barangay na nasa elementarya pa lamang, isang aling Bebeng na tindera ng baboy sa palengke, si mang Bernie na kagawad ng barangay Caimito, si lolo Pidel na kubrador ng huweteng, si Jimmy na estudyante ng seaman sa Cabanatuan at ang driver ng jeep na si mang Tandoy.
Base sa kwento ng nakasaksi, binabagtas daw ng jeep ni mang Tandoy ang "Kurba" na kilala sa Palayan na may pagka-sabana. Ang sinasabing saksi ay ang magkaibigang Utoy at Iko na nakamotor nang mga oras na 'yon. Magkaangkas sila at si Utoy ang nagmamaneho.
Ayon sa kanila, bago pa man sila nakarating sa kurba ay nalampasan nila ang sasakyan ni mang Tandoy. Medyo mabilis raw ang takbo ng jeep nito. Matagal nang driver ng motor si Utoy kung kaya't maalam na ito sa kalsada.
Mga ilang metro raw matapos nilang madaanan ang kurba ay nakarinig sila ng mahinang tunog na tila ba may bumagsak na kung anong malaking bagay. Dahil sa mga helmet raw na suot nila kaya hindi sila sigurado kung ano 'yon.
Kutob raw ang nabigay-pasya sa kanila para ihinto ang motor at silipin kung ano'ng meron.
Doon na raw nila natanaw ilang metro lang ang layo sa kurba ang nakatimbuwang nang jeep ni mang Tandoy. Nang puntahan daw nila ito, doon nga tumambad ang mga kalunos-lunos na nangyari sa mga pasahero. Tumilapon raw lahat ito sa labas ng jeep. Tanging ang driver lang ang naiwan dahil naka-seatbelt. Patay rin dahil humampas sa manibela ang mukha. Nabiyak ang bungo.
Kwento pa nila, on-the-spot raw na namatay ang batang babae na si Emily. Napigtas daw ang kalahati ng katawan nito at hindi na humihinga.
Si lolo Pidel naman daw ay nakapagsalita pa at tinanong pa nga raw sila kung ano ang nangyari pero matapos raw 'yon ay binawian rin kaagad ng buhay.
Nakita rin daw nila ang estudyanteng seaman na nakasubsob sa may damuhan at may basag sa ulo. Hindi na rin humihinga.
Ang matabang babae naman na si aling Bebeng, hindi naman napuruhan at kaunting galos lang.Ang problema, ayon sa mga doktor, sa lakas daw ng pagkakatilapon ay inatake sa puso. 'Yun ang ikinamatay.
Si mang Bernie naman na kagawad ay nakita sa ilalim ng jeep... nadaganan. Buhay pa. Nahirapan nga raw maialis sa pagkakadagan dahil bumaon sa malambot na bahagi ng bukid ang nguso ng jeep. Bukod tangi-lang na si mang Bernie ang hindi agad naisugod sa hospital dahil nahirapan ang mga sumaklolo na iangat ang jeep. Humingi pa nga raw ng sigarilyo kila Utoy at sinabihan pa silang huwag masyadong mga niyerbyoso; hindi pa raw siya mamamatay.
Pero namatay rin. Sabi ng mga doktor, internal bleeding ang ikinamatay. Hinintay pa kasi na dumating ang bulldozer na ni-request pa sa City Hall saka pa lang naiahon sa pagkakaipit. Huli na.
Siya naman daw, nakita nilang nakasandal sa may punso. Duguan pero nakita nila na gising at tinatanaw lang ang mga kasamahang pasahero. Hindi raw makausap. Kung kaya't hinayaan muna siya at inunang bigyan ng paunang-lunas ang iba.
Sabi pa nga raw ng doktor sa tiya niya, baka raw sinadyang kalimutan ng utak niya ang pangyayari dahil hindi niya kinaya ang pangyayari. Natural na askyon daw ng utak 'yun para proteksyunan ang katawan laban sa hindi katanggap-katanggap na pangyayari.
Naputol sa pag-iisip ng malalim si Piryong ng bumusina ang isang jeep na huminto sa tapat niya.
"Sakay?" Ang tanong ng driver.
Natagalan bago sumagot si Piryong, pagdakay, "H-hindi po. Mamaya pa po."
Matapos no'n ay umandar na paalis ang jeep. Tumayo si Piryong, bitbit ang backpack. Marahang isinukbit sa balikat. Tinanaw ang di pa nakakalayong jeep.
"Manong sandali! Manong!" pasigaw na habol ni Piryong.
Nakita ni Piryong na nagmenor ang jeep, huminto at umatras ng bahagya. Humuni ang tunog-pang-atras nito habang nakasindi ang reverse-light.
Minsan pang tinanaw ni Piryong ang waiting shed, huminga ng malalim saka tuluyang sumakay sa jeep.
-Wakas-